‘How living in Japan influenced me as a person’

Aksidente, napunta ako sa Beth in Japan at sa kanyang How Living in Japan Has Inluenced Me as A Person blog post.

Interesting observations, at naalala ko tuloy ang aking experience sa matagal nang pagtira sa Japan:

Bath culture

Minsan ay binisita ko ang isang kaibigan sa Yamanashi Prefecture at habang pinapakita niya sa akin ang kanyang hometown, sabi nya habang tinuturo ang isang building, “Dyan may nakatirang mga Pinay.”

Sabi ko, “Paano mo nalaman na mga Pinay sila?” Sabi nya, “Basa ang buhok sa umaga.”

Napangiti ako sa comment na ito, dahil totoo. Wala pa akong nakitang Hapon na basa ang buhok sa umaga. (Baka may blow-dryer lang lahat sila?)

Lalo na sa winter, nakakawala ng pagod ang paliligo sa gabi. Kapag malamig ay nagkukulang ng circulation ng dugo ang paa at kamay at kapag maligo nang mainit ay umiikot ulit ang dugo sa buong katawan hanggang sa kadulu-duluan ng mga daliri.

Masarap matulog nang ganito.

Sabi naman ng mga Hapon na nakausap ko, natural lang na maligo sa gabi dahil madumi ka pagdating mo sa bahay. Sa umaga ay malinis ka pa, kaya kailangan na lang ng kaunting hilamos sa mukha, at iba pang personal hygiene.

Kapag summer naman ay either dawalang beses ako naliligo (gabi at umaga) o kaya ay umaga lang.

Bukod sa paliligo sa gabi ay mas malaki ang impression sa akin nang paliligo na kasama ang mga anak. Hindi kasi ginagawa ito sa Pilipinas pero napakanatural lang na gawin ito sa Japan. Kung napanood ninyo ang Tonari no Totoro, may scene doon na naliligo ang tatlong mag-ama (tatay at dalawang anak na babae) nang sabay. Para sa akin, ang paliligo ay magandang bonding ng magulang at maliliit na anak. Kapag umabot na sila sa tamang edad (usually early elementary school age) ay natural na hindi na sila sasabay sa magulang kahit yayaing maligo.

Segregation of garbage

Kung paghihiwalay ng basura ang pag-uusapan ay mananalo siguro ako sa mga kapitbahay kong Hapon kung may Garbage Segregation Competition dito sa lugar namin. Dapat lang, dahil ako ang nagtuturo kung paano mag-segregate ng basura sa mga empleyado ng kaisha namin.

Sa aking experience, ang gawaing pinanggagalingan ng pinakamaraming problema sa mga basura ay:

  1. Hindi tama ang segregation
  2. Mali ang pinagtapunang plastic (o lalagyan)
  3. Pagtatapon ng basura sa gabi kaya kinakalat ng mga uwak at maliliit na hayop
  4. Pagtatapon ng mantika sa lababo kaya nagbabara ang mga tubo lalo na sa winter

Lagi kong pinag-iingatan ang tamang pagtatapon ng basura para walang problema sa mga kapitbahay (at ma-recycle nang tama ang basura).

Being polite

Sa kaisha pagiging magalang ay pag-bow at pagbati sa mga tao ng Ohayo gozaimasu! sa umaga at pagsabi nang Otsukaresama deshita! sa uwian.

Para naman sa mga kapitbahay, binabati ko sila kapag nakita sa labas, kaunting komento tungkol sa panahon: “Kyou wa atsui desu ne!”, “Zuutto ame bakari desu ne!", etc. para friendly ang relations.

Pero pinakaimportante para sa magandang relasyon sa kapitbahay (at pagiging magalang) para sa akin ay ang pag-segregate ng basura at hindi pag-iingay lalo na sa gabi.

Not being noisy

Maraming taon na ang nakakalipas ay nagdala ako ng electric guitar sa bahay namin sa Fairview.

Natatandaan ko ay isang lumang Fender Telecaster ito na nabakbak na ang pintura na napulot ng isang kaibigan sa basura at binigay sa akin, tapos kinaskas ko naman ang lahat ng pintura ng katawan. (Ito yung panahon sa Japan na may nagtatapon pa ng mga household appliance na kagaya ng TV at ref sa basura.)

Pagkadating ko sa bahay ay nilabas ng kapatid ko yung Telecaster, sinaksak sa amplifier ang cable at tinesting yung distortion ng kasamang effector. Sabi ko, “Pre, hindi ba maingay?” Sabi nya, “Hindi mo ba naririnig sa sarap may mga tricycle, sa likod may nagkakaraoke, tapos sasabihin mo hindi ba maingay?” Oo nga naman.

Maaaring puwede ito sa Pilipinas pero sa kasamaang palad ay nadadala nating mga Pilipino ang pagiging maingay kahit dito sa Japan.

Mahilig ang mga Pilipino na magtipon-tipon, at kapag magtipon-tipon ay hindi maiiwasan ang ingay. Kaya nagrereklamo ang mga kapitbahay na Hapon. Kung minsan ay dumarating pa ang mga pulis dahil sa sobrang ingay hindi na matiis ng mga kapitbahay.

Sensitive ang mga Hapon sa ingay (dapat lang) kaya kahit sa publiko o pribado, kung maiiwasan nating mag-ingay ay malaki ang ikagaganda ng image ng mga Pilipino sa Japan.

Minsan ay naiwanan naming bukas ang bintana sa bahay nang nanood kami ng movie at nakiskubre ko lang nung natapos na yung pinanood namin. Kinaumagahan noong nakita ko yung kapitbahay namin ay nag-gomennasai ako dahil sa ingay. Sabi naman nya ay wala daw silang narinig, pero dahil siyempre hindi ko alam kung talagang wala silang narinig o ayaw lang niyang sabihin ng direkta. Kaya tsinitsek ko palagi ang mga bintana kung manonood ng movie para maganda ang relasyon sa kapitbahay.

Eco-friendly bags

Ito yata ang bagay na hindi ko nagagawa personally, ang pagdadala ng eco-friendly bag.

Usually hindi ko na lang pinapabalot ang mga binibili ko sa kombini kung hindi naman marami. Kung marami naman at kailangan ng plastic bag, ginagamit ko naman ang plastic bag na ito para itapon ang mga basura sa salaan ng lababo namin.

Pero maganda nga ang eco-friendly bag, lalo na yung foldable type.

Kung galing naman ako sa bahay ay either dinadala ko yung IKEA o Costco na bag, o kaya ay nilalagay ko na lang sa karton na box yung mga groceries.

Migrating Timog.org to a new theme: Hugo Flex

Isa sa mga ginawa ko sa siyam na araw na obon yasumi ay nilipat ko ang Timog.org sa bagong Hugo theme: Hugo Flex, mas simpleng design, lightweight, walang masyadong abubot ang resultang html file.

Ang gusto kong gawin sa Timog ay walang distracting na design, walang ads, walang database, gawing lightweight ang mga page hangga’t maaari. Kaya napili ko itong Hugo Flex na theme, pero may mga dinagdag akong design para ma-highlight ang importanteng parte ng ibang content.

Marami din akong kailangang i-rewrite na markdown files, pero hindi naman ganoon kakumplikado at madugo ang paglipat sa bagong theme. Jikan ga kakatta kedo, omotta yori kantan da na. Hindi pa tapos, kaya sa mga susunod na araw ay ililipat ko na ang mga natitirang content.

Endoscopy

Unang araw ng mahabang obon yasumi at nasa clinic ako para sa isang endoscopy. Endo+scopy, mula sa dalawang Greek word na ang ibig sabihin ay “loob” at “tignan”. Sa tunog pa lang ay hindi na kaaya-ayang procedure itong endoscopy na ito, bukod pa sa masyadong kumplikado ang pangalan.

Mas gusto ko ang mas simpleng ikamera: 胃カメラ (camera sa tiyan).

Mas gusto ko pang pumunta sa dentista kaysa gawin ang procedure na ito. Papainumin ka ng nakakasukang mala-sopas na likido, iisprayhan ang ilong at lalamunan mo ng pangpamanhid, at ipapasok sa ilong mo (o bibig depende sa hilig mo) hanggang sa tiyan ang isang maliit na camera sa dulo ng mahabang cable.

Ang tawag nila dito ay upper endoscopy.

Habang naghihintay ako sa harap ng information counter pagkatapos (kailangan maghintay ng 40 minutes pagkatapos) ay nabasa ako na gumagawa din sila ng lower endoscopy, kung saan sa puwit naman pinapasok ang camera para siyasatin ang bituka (colon). Tapos naisip ko, teka, may iba naman sigurong camera na ginagamit para…?

Pero ang mga tanong na alam mo na ang sagot ay hindi mo na dapat pinag-iisipan ng husto.

Why I went back to music CDs

Si Chelo yata ang nagsabi sa akin may 10 years na ang nakakalipas, “Digital na tayo may mga CD ka pa?” tapos binigyan niya ako ng SD card na puno ng mp3.

Hindi ko yata napakinggan ang mga mp3 na ito pero isa-isang nawala ang mga CD ko, pati yung Peel Slowly and See boxed set ng Velvet Underground, hanggang ang natira na lang ay ilang kawawang Dire Straits at Counting Crows na CD na nawala na ang mga case at booklet at nakalagay na lang sa isang CD jacket na nasa loob compartment ng kotse.

Ang karamihan ng music ay napunta na sa PC, iPod at cellphone at naging background music na lang kapag nag-i-internet o nagmamaneho ng kotse. O pinapakinggan mula sa Amazon Prime Music na napakahirap i-navigate at nawawala ang ilang album pagkatapos mong pakinggan at ilagay sa iyong “My Music” collection.

Sa pagpasok ng 2021, sa kalagitnaan ng Covid pandemic, ay naisip ko na hindi na ako nag-e-enjoy sa music hindi kagaya nang dati. Parang yung dalawang character sa short story ni Asimov na Eyes Do More Than See, sa aking palagay ay may nawala nang tuluyang naging digital ang music.

Gusto kong nahahawakan ang aking music, yung may ritwal na bubuksan mo ang case, kukunin ang CD, ipapatong sa tray, pipintudin ang PLAY. Tapos babasahin mo ang booklet.

(Nagkaroon din ako ng record player dati at talagang mas maganda ang listening experience kahit kumpara sa CD player. Nakikita mong umiikot-ikot ang plaka sa itaas ng turntable, tapos babaligtarin mo ang plaka para sa side B. Kaso ang mahal ng mga vinyl records at wala sa aking budget, bukod pa sa nagde-deteriorate habang pinapatugtog.)

Kaya nang nagkaroon ako ng extra na pera ay bumili ako ng second-hand na amplifier (na sira ang phono input) at CD player, at mura lang na bagong speakers. Tapos bumili ako ng mga second-hand na CD mula sa Mercari.

Isa sa mga una kong binili ay itong boxed set ng classical music na binili ko nang mahigit lang sa 3,000 yen; and isang disc ay halos kasing mahal lang ng isang can coffee sa vending machine.

Unang pakinig lang sa Four Seasons ni Vivaldi ay sulit na sa pagbili ng mga equipment! Buong-buo ang tunog, para nasa tabi mo lang ang tumutugtog ng violin!

Ngayon ay paunti-unti kong binibili ang mga dating kong CD na nawala na, bukod pa sa pagdagdag ng mga classical at jazz albums, at iba pang hindi ako nagkaroon ng chance na mapakinggan.

Summer in Japan: rice fields and beer

Pagkatapos ng ilang linggong ulan ay summer na naman.

Ano ba ang scenery ng summer sa Japan? Camping sa tabi ng ilog… ligo sa beach… huni ng kuliglig… tunog ng wind chime… hanabi sa gabi…

Ang siyempre, ang berdeng-berdeng palayan.

Kapag nakikita ko ang malawak na palayan sa summer ay naaalala ko ang mga palayan sa aking kilalakihang maliit na bayan sa Pilipinas.

Kung pagkain at inumin naman ay: pakwan… kakigori… malamig na ocha–green o brown (parang hindi yata tama ang malamig na Coke)…

At siyempre, beer.

Bihira lang akong uminom ng beer (at konti lang), kaya “totoong beer” ang binibili ko at hindi yung mas murang happoshu (hindi maganda ang lasa).

Ang karamihang binibili ko na beer ay ang Kirin Heartland. Emerald green na bote, korteng diamond na logo, simpleng design, masarap ang lasa.

Pero kamakailan ay bumibili din ako nitong Hitachino Nest Beer, gawa ng Kiuchi Brewery sa Ibaraki Prefecture.

Nakasulat sa label ng iniinom kong Pale Ale:

A Pale ale which has a rich malt flavor exquisitely balanced with floral notes and bitterness of high quality aroma hops.

“Floral notes.”

Kung umiinom ka dahil gusto mo ang lasa ng beer at hindi para malasing lang, ok itong Nest Beer, medyo mahal nga lang (halos doble ng presyo ng Asahi Super Dry).

Sa pinupuntahan kong maliit na grocery shop ay Pale Ale, White Ale at Weizen lang ang meron. Pero mukhang magandang tikman ang iba pa nilang beer na kagaya ng Espresso Stout (“Please enjoy the balance of its rich taste and coffee flavor”) at Extra High (XH) (“Please enjoy the rich taste, developed by a long maturation period”).

Goya chanpuru: sauteed bitter gourd with tofu

Summer na naman, kaya mura ang ampalaya, kaya mapapaluto ka ng goya chanpuru. Okinawan version ito ng ating ginisang ampalaya: bukod sa usual na hinahalo natin na kamatis, itlog at karneng baboy, ay may tofu.

Ang ampalaya na pamilyar sa mga Southeast Asians ay maaring dumating sa sinaunang Ryukyu Kingdom (ang Okinawa sa kasalukuyang panahon) noong 14th hanggang 16th century mula sa Malay archipelago. Ang chanpuru na ang ibig sabihin ay “something mixed” ay mula daw sa “campur” na salitang Malay na magkatulad ang ibig sabihin.

Kapag summer ay madaling magtanim ng amplaya at karaniwang pinapatubo ito sa mga school at bahay para pangtabing ng mga bintana mula sa mainit na araw. Kaya kapag summer sa Japan ay madaling humanap ng ampalaya, bigay man o bili.

Itong ginawa kong goya chanpuru ay nilagyan ko ng oyster sauce (at nalimutan kong igisa sa bawang at sibuyas).

(Ang pormal na pagsulat ay gōyā chanpurū (mahabang o, a, at u) pero karaniwang sinusulat din nang gōya chanpuru. Ang ampalaya sa Nihongo ay tsurureishi, pero karaniwang nigauri (bitter gourd) o gōyā.)

How to get a gun in Japan

Paminsan-minsan, kung mapapadaan ka sa medyo probisyang lugar ng Japan, may mapapansin kang mga Gun-Hunting Prohibited sign.

Para sa mga taong nasanay na na hindi makakita ng baril sa Japan (bawal humawak ng baril pati mga security guard), baka nakakabiglang malaman na pwedeng makakuha ng baril sa Japan.

Pero ang proseso ay napakakumplikado, hindi siguro magandang investment ng oras at pera, puwera na lang kung gusto mong kumain ng sarili mong huli na baboy damo o wild duck.

Ayon sa New York Times, ito ang proseso ng pagkuha ng lisensya ng baril sa Japan.

  1. Join a hunting or shooting club.
  2. Take a firearm class and pass a written exam, which is held up to three times a year.
  3. Get a doctor’s note saying you are mentally fit and do not have a history of drug abuse.
  4. Apply for a permit to take firing training, which may take up to a month.
  5. Describe in a police interview why you need a gun.
  6. Pass a review of your criminal history, gun possession record, employment, involvement with organized crime groups, personal debt and relationships with friends, family and neighbors.
  7. Apply for a gunpowder permit.
  8. Take a one-day training class and pass a firing test.
  9. Obtain a certificate from a gun dealer describing the gun you want.
  10. Buy a gun safe and an ammunition locker that meet safety regulations.
  11. Allow the police to inspect your gun storage.
  12. Pass an additional background review.
  13. Buy a gun.

Dahil sa ganitong estriktong proseso ng pagkuha ng baril na bunga ng Firearm and Sword Possession Control Law (“No one shall possess a firearm or firearms or a sword or swords."), halos walang namamatay dahil sa baril sa Japan.

Needless to say, hindi ka rin puwedeng maglakad-lakad sa publiko nang may sukbit na katana.

A visit to an elementary school classroom

Wala akong dalang pampalit na sapatos o slippers kaya naglakad ako sa corridor nang nakamedyas lang.

Sa classroom ay may usual na randoseru, melodica at recorder ng mga bata. Dati ay puro itim (lalaki) at pula (babae) lang ang mga randoseru; ngayon may iba’t-ibang kulay na.

Selection ng ba’t-ibang libro sa shelves ng classroom.

  • なぜなに大語源 (The Why-What Big Book of Word Origins)
  • 校庭にうかんだ墓地 (Graveyard That Rose on the School Grounds)
  • ルドルフとイッパイアッテナ (Rudolf and Ippaiattena)
  • 忍たま乱太郎 (Nintama Rantaro)
  • 七人のいろいろな魔法使い (The Seven Different Wizards)
  • ドラキュラのむすこ (Dracula’s Son)
  • なつのあくび (Summer’s Yawn)
  • 大草原の小さな家 (Little House on the Prairie)
  • エルマーとりゅう (Elmer and the Dragon)
  • エルキュール・ポワロ (Hercule Poirot)
  • チョッちゃん物語 (Chocchan’s Story)
  • 危険なオーディション (Dangerous Audition)
  • スウィート・メモリーズ (Sweet Memories)
  • 心は高原に (My Heart’s in the Highlands)

Noong una nag-aalangan akong kumuha ng pictures habang nagka-klase pero naisip ko bakit hindi? basta hindi ko ipo-post sa Internet. Sensitive ang mga Hapon tungkol sa pagpopost sa Internet ng mga pictures at video na nakikita ang mukha o kahit na anong personal information.

Kaya siguro hindi masyadong popular sa Japan ang Facebook dahil sa mas private ang mga Hapon at estrikto ang pagpopost ng mga ganito sa Internet, hindi kagaya ng mga Pilipino na kung minsan kahit na baby pa lang ay may Facebook account na.

Bicycling in Totoro country

Puro ulan nitong mga nakaraang araw kaya nang nagkaroon ng kaunting oras sa weekend na tumila ang ulan ay nag-bisikleta ulit kami sa paligid. Ngayon ay medyo malayo ang nabisikleta namin, isang lugar na hindi pa namin napupuntahan, sa tabi ng mga palayan. Ito ang rainy season bago mag-summer sa Japan at saturated ang green sa buong paligid.

Parang hawig sa landscape ng Tonari no Totoro.

May sinabi si Phillip E. Wegner sa kanyang review ng Tonari no Totoro tungkol sa satoyama, ang setting ng pelikula:

According to another more recent definition, satoyama includes not only mixed community forests, but also the entire landscape necessary for agricultural activity. Thus, according to this definition, satoyama consists of a mosaic of mixed forests, rice paddy fields, dry rice fields, grasslands, streams, ponds, and reservoirs for irrigation. In this system, each habitat is considered essential for the agricultural economy. Grasslands were maintained to feed horses and cattle, which were then used as sources of power in agricultural activities. Streams, ponds, and reservoirs were managed to adjust water levels in the paddy fields and to supply fish to eat. (Kobori and Primack 308)

It is this sense of a total integration with the land, a blurring of the lines between nature and culture, and a collective stewardship of these commons that is a central aspect of the film’s larger vision as well. Crucially, without landscape, there can be no possibility of an environmental politics isolated from other social and cultural concerns. (However, in our non-utopian world the film served as the inspiration for efforts to preserve satoyama in the Sayama Hills region, giving rise in April 1990 to the National Trust of Totoro no Furusato [homeland of Totoro].)

🌳🌳🌳

Isa sa mga magandang bagay sa pagbibisikleta ay madaling makadiskubre ng mga lugar na hindi napupuntahan o nahihintuan kapag nakakotse. Kagaya nitong tindahan ng mga locally made na gulay at pagkain at halaman.

May mga water lilies (renkon) sa tabi at mga cactus at iba’t-ibang tropical plants na kagaya nitong pitcher plant sa loob.

Sa palayan ulit ang pauwi at may nadaanan naman kaming Buddhist temple sa tabi ng isang sementeryo. Tahimik–at malamok ngayong summer, kaya umalis kaagad kami.

Weekend early-morning bicycling

Walang tatalo sa pagbibisikleta para sa pag-explore ang lugar sa paligid ng tirahan. 5x na mas mabilis sa paglalakad, pero maaring huminto halos kahit saan para tignan ang paligid o kumuha ng picture.

Isa din ito sa mga safe na gawin sa panahon ngayon ng Covid, huwag lang kalimutan ang mask kung sakaling papasok sa mga kombini para bumili ng inumin at pagkain.

Dahil madaling huminto ay maraming bagay ang mapapansin, kagaya nitong kape sa 2nd floor na sign, gate valve sa daan na may logo ng Tsuchiura sa Ibaraki Prefecture, at mga recyclable garbage na nakaayos sa tabi ng daan.

Sabado pala ang tapunan ng bote, can at PET bottles sa lugar na ito, at may designated na lugar kung saan ilalagay ang mga recyclable garbage, hindi lang sa ordinaryong tapunan ng mga burnable na busura. Pati mga bote ay nakahiwalay sa clear, kulay brown at kulay green. Magaling.

Meron ding basurang hindi kinuha ng garbage collector dahil hindi nakalagay sa tamang plastik.

Masisikip ang daan sa lugar na ito kaya tamang-tama ang bisikleta. 6:40 pa lang ng umaga kaya hindi pa mainit. Maraming mga salamin para madaling makita ng mga sasakyan kung may parating na tao o sasakyan.

Maraming pulang post box na makikita sa iba’t-ibang lugar sa Japan. Sa panahon ngayon ng Internet at instant communication ay bumaba na ang paggamit ng mga post box pero magandang isipin na regular at efficient pa rin ang pagkolekta at pag-deliver ng sulat.

Dito sa isang bahay ay maraming bonsai at naalala ko itong tanong sa Reddit kung normal ang magbigay sa ibang tao ng bonsai para sa magpasalamat. Puwede siguro: “Salamat nang marami, ito para sa iyo, bonsai.”

Dumating na ako sa riles ng tren sa may Arakawaoki Station. Papunta sa Fukushima ang kaliwa at Tokyo naman ang kanan.

Pauwi ang napadaan ako sa isang second-hand shop kung saan may mga interesting na abubot sa ding-ding. May mga lumang libro sa labas na tig-20 yen ang isa. Madaming libro sa Japan (at nakasulat sa Nihongo, hindi English) at marami ding library at community center na may mga libro kaya mataas ang literacy rate sa bansa.

Ito ang binili ko: Diary of a young girl ni Anne Frank. Bumibili ako ng Nihongo version ng isang libro para puwede kong pagkumparahin ang English at Nihongo version. Pero mahilig din naman akong bumili ng libro na hindi ko naman binabasa.